Wednesday, July 1, 2009

Magaling si Ronnie Puno

Napakagaling nitong si DILG Secretary Puno.
Nagdeklara siyang tatakbong bise presidente ng Pilipinas sa 2010.
Tingin n'yo ba'y seryoso siya sa kanyang deklarasyon?
Ako po'y hindi. Si Ronnie Puno ay napakagaling na political operator ng MalacaƱang.
Napakahusay ding politiko. Marunong bumasa ng sitwasyon, ng mga pangyayari sa politika sa bansa.
Ang kanyang derklarasyon na pagtakbo sa vice presidential race ay maaaring gimik na naman niya. Pansariling gimik, marahil.
'Yung iba ay nagkakandarapa sa pagtakbong pangulo ng bansa. Bakit hindi iyon ang ideklara ni Puno? Puwede naman hindi ba? Alam kasi ni Puno na hindi siya mananalo. At walang maniniwala sa kanya.
Mukhang may ibig mangyari si Puno kaya nagdeklara na siyang tatakbong pangalawang pangulo kahit hindi naman talaga siya talagang tatakbo.
Sa dami ng naglulutangang politiko ngayon na balak tumakbo sa darating na eleksiyon, wala ni isang nagsasabi na lalaban sa pagkabise. Si Puno pa lang.
'Yung mga alam nating pangalan ay nagpopormahan para sa presidential derby.
Ang galing po ni Puno. Sa deklarasyon niya kasi, nakauna na siya ng puwesto. Kung baga, nakaposisyon na. Naitanim na niya sa tao.
Pero pustahan tayo, hindi tatakbo si Puno sa pagkabise. Baka ilarga nya lang sa iba. Baka "ipaubaya" sa iba. O sa mas garapal, baka "ibenta". Panalo si Puno.
Sa huling araw kasi ng balyahan, 'yung ibang makakaramdam na hindi sila uubra sa pagkapresidente ay mapipilitang bumaba sa pagkabise.
Kaso nga, matinik si Puno. Nauna na siyang magdeklara.
Si Puno ang lalapitan para magpaubaya. Siya ngayon ang mamimili kung sino ang pagbibigyan niya. May yabang pa 'yun.
'Yun ang ibig nating sabihing panalo siya. E, saan pa ba? Ang lagay ba e, ganun na lang?
Sobrang magaling si Ronnie Puno. Gets n'yo ba?


ANG TUDLA AY KOLUMN NA MABABASA SA NANGUNGUNA TABLOID NA HATAW TUWING HUWEBES, SABADO AT LINGGO HABANG TUWING HUWEBES AT SABADO SA POLICE FILES TONITE

No comments:

Post a Comment