Wednesday, July 1, 2009

Great plan ni GMA

WALANG ipinagkaiba sa mga magnanakaw sa gabi ang mga kongresistang bumoto pabor sa House Resolution 1109 para makabuo ng Constituent Asembly (ConAss) na magpapalit sa ating kasalukuyang Konstitusyon.
Kasarapan ng pamamahinga ng taumbayan nang madaliin ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ang resolusyon na pakana ni Camarines Sur. Rep. Luis Villafuerte.
Dapat kung ConAss ay kasama ang Senado. Hindi pupuwedeng mga kongresista lang ang masusunod sa pagpapalit ng Konstitusyon.
Mayorya ng kongresista ay humihimod sa puwet ni Pangulong Arroyo na kating-kati naman na magkaroon ng Charter change para huwag siyang mawala sa poder.
Alam kasi ni Mrs. Arroyo na hindi na papayag ang sambayanan na magtagal pa siya sa puwesto. Kaya Cha-cha ang kanyang pag-asa.
Bahagi ng great plan ni Mrs. Arroyo ang ConAss na 'yan sa tulong ng mga "asshole" niyang kongresista na kinabibilangan ng kanyang mga anak na sina Mikey, Dato at bayaw na si Iggy, alyas Jose Pidal.
Tingnan n'yo ang Senado, parang walang pakialam kahit binababoy na ng mga kongresista ang ating Konstitusyon. Dapat silang pumalag kasi'y etsapuwera sila sa ConAss.
Paano, abala sila sa paggulpi kay Sen. Manny Villar ukol sa isyu ng double insertion. Abala rin sa walang katuturang sex video ng tarantadong si Hayden Kho.
'Yung maiingay na mga oposisyong senador, natameme. Nasaan si Senador Ping Lacson?
Siyempre, uunahin ni Lacson na mailigtas ang sariling ulo ngayong dumating na sa bansa si dating Col. Cesar Mancao. Wala namang ibang ibig tumbukin sa pagbuhay sa Dacer-Corbito double murder kundi si Ping Lacson. Damay din si Erap Estrada na siyang itinuturong "bigote" sa testimonya ni Mancao.
Ang ibang senador, abala na rin sa pagpapapogi para sa kanya-kanyang ambisyon sa 2010.
Sino ang papalag laban sa ConAss.?
Umentra na naman ang walang magawang abogadong si Oliver Lozano. Naunang mag-file ng petisyon sa Korte Suprema para kontrahin ang HR 1109 ng mga kongresista. E kilala na natin si Lozano. Panggulo lang ang abogadong ito.
Posible pa ngang bahagi siya ng great plan ni GMA para maglabas ang SC ng opinyon pabor sa HR 1109.
Tingnan n'yo, kampante ang mga kampon ni GMA kahit may humarang nito sa SC. Alam nila, papaboran ito ng mga justice na karamiha'y iniluklok at may utang na loob kay GMA.
Si Chief Justice Reynato Puno lang ang hindi. Paano naman magwawagi ang iisa?
Napakagaling ng mga nag-iisip sa kampo ni Arroyo kung paano talaga mailulusot ang Cha-cha.
Kunwari pang nagsanib ang Lakas at Kampi. Kunwari pa si GMA na tuloy ang eleksiyon. Kunwari pa ang Comelec sa kagustuhan magkaroon ng automated elections.
Huwag po tayong pagogoyo mga kababayan. Inaaliw lang nila tayo.
Manatiling gising at magbantay pagkat hindi titigil ang mga kawatan sa kanilang pagsalakay.

No comments:

Post a Comment