Wednesday, July 1, 2009

Nasapawan ka kasi ni Afuang, Sen. Bong Talaba!

MARAMI nang nagsabi noon pa man na hindi na dapat nagsagawa ang Senado ng hearing
hinggil sa sex scandal nina Hayden Kho at Katrina Halili.
Imbes daw kasi maging seryoso, magiging sirkus lang ang pagsisiyasat dahil mga SIRKERO ang mga senador na mag-iimbestiga.
Hindi ba Sen. Bong Talaba, este, Revilla pala at Sen. Jamby Madrigal?
Humingi ng tulong si Katrina kay Bong Revilla sa pag-asang mabibigyan siya ng hustisya sa ginawang pambabastos at pambababoy sa kanya ni Hayden Kho.
Naglakas-loob lumantad sa publiko si Katrina kahit alam niyang magiging kahiya-hiya siya dahil naniniwala siyang sa pamamagitan ng imbestigasyon ay matitigil na ang pambababoy ni Hayden Kho sa mga babaeng nakakarelasyon.
Ang tungkullin naman ng mga senador, kabilang si Bong Revilla, ay magpasa ng batas na magpapahinto sa kabalbalang gaya ng ginagawa ni Hayden Kho..
Pero ano ang nangyari? Nagpakyut lang si Bong Revilla sa TV. Nagiingles-dili.
Nagpakyut din si Sen. Jamby kay Hayden. Wala raw kasalanan si Hayden kundi ang nagnakaw at nagpakalat ng sex video.
At sa imbestigasyon, ang namalasado ay si Katrina. Napokus ang imbestigasyon sa bintang na si Katrina ang nagturo kay Hayden na magdroga.
Walang kakuwenta-kuwenta ang mga tanong ni Bong Revilla. Hindi talaga bihasa sa public hearing. Ang alam lang ay mag-inarte sa harap ng kamera.
Ang totoong pakay ng imbestigasyon na papanagutin si Hayden at bigyan ng hustisya si Katrina ay natabunan.
Mabubuwisit nga naman talaga ang sinumang makakapanood ng pagsisiyasat nina Bong Talaba, este, Revilla at Jamby Madrigal.
Kaya hayun, hindi nakapagpigil si dating Makati Police, NBI agent at Pagsanjan Mayor Abner Afuang na buhusan ng tubig si Hayden Kho.
Pagpapakita ni Afuang ng protesta laban sa mga kasinungalingan ni Hayden at sa walang kakuwenta-kuwentang hearing nina Revilla at Madrigal.
Tama si Ka Abner Afuang. Bakit napunta sa isyung droga na ibinibintang kay Katrina ang pagsisiyasat?
Kilala natin nang personal si Afuang. Galit 'yan sa mga taong hayop ang asal. Baboy si Hayden. Mabuti nga't hindi gasolina ang kanyang ibinuhos sabay sinindihan.
Kaso hetong si Bong Revilla, over acting. Scripted daw ang ginawa ni Ka Abner. E, sino ba sa kanila ang artista? Sino ba ang mahilig sa script?
Nasapawan kasi siya ni Afuang. Nasira ang kanyang palabas. Ang kanyang reaksiyon laban kay Afuang ay hindi inaasahan sa barakong artista at kilalang "napakapilyo" rin sa kababaihan.
Ang pagpipilit ni Bong Revilla na magkaroon ng public hearing ay kasama sa kanyang script para maagang magpapansin sa ambisyong maging bise-presidente ng Cavite's talaba vendors association (Ambisyoso naman kung Pilipinas).
Sa ganang akin, hindi niya natulungan si Katrina para makatakas sa inabot na trauma mula sa nangyaring eskandalo.
Lalong nalagay sa malaking eskandalo si Katrina. Humingi ng tulong kay Bong Revilla si Katrina at malay naman ng aktres na ganito ang mangyayari. Si Katrina pa ang pinalalabas na masamang babae.
E kitang-kita na naman na ang mga ebidensiya. Hawak na ng Senado ang mga sex video mula sa pangangalaga ni Hayden Kho. Kumalat pa sa bilihan ng pirata dahil inutil ang Optical Media Board (OMB).
Umamin na rin si Hayden Kho sa kanyang kabastusan at kababuyan. Ano pa bang kailangang patunayan?
May katwiran ang mga nagsasabi na hindi na kinakailangan ang public hearing sa sex scandal na 'yan.
Nasa wastong katinuan siguro sina Bong Revilla at Jamby Madrigal para malaman ang gagawing batas laban sa sex video scandal.
Ito naman talaga ang punto. Hindi ang magpakyut sa publiko ang mga nasa Senado.
Sen. Revilla, now you know!

No comments:

Post a Comment