Wednesday, July 1, 2009

Maitim na balak ng Kongreso sa mga tesorero

Natski
(Hataw, Police Files Tonite)

ISINUSULONG ngayon ng apat na kongresista ang pag-amyenda sa Local Government Code of 1991 o RA 7160 upang maibigay ang kapangyarihan ng pagpili ng tesorero sa buong bansa sa mga alkalde at gobernador.
Sa kasalukuyan, ang mga tesorero ay nasa ilalim ng Department of Finance.
Tiyempong-tiyempo din naman ang apat na kongresista na sina Cong. Jose Yap , 2nd District ng Tarlac kasama ang mga mambabatas mula sa lalawigan ng Negros Oriental na sina Cong. Jocelyn Limkaichong (1st District), George Arnaiz (2nd District) at Pryde Teves (3rd District).
Kasi nga naman, halalan na sa susunod na taon. Alam n'yo bang itinatalaga ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng tesorero bilang Board of Canvassers?
Umaakto rin ang mga tesorero na custodian o tagapangalaga ng lahat ng election paraphernalia, kinabibilangan ng ballot boxes na pinakamahalagang bagay tuwing sasapit ang eleksiyon sa bansa.
Ang lahat ng kapangyarihang ito ng mga tesorero na ipinagkakaloob ng COMELEC tuwing sasapit ang eleksiyon ay tinatawag na ‘NATIONAL IN NATURE’ dahil nasa ilalim sila ng DoF.
Ibig sabihin, hindi sila pupuwedeng diktahan ng alkalde o gobernador na sumunod sa kanilang nais lalo na sa mga iligal na aktibidad tulad ng pandaraya sa bilang ng balota dahil ang BOSS ng mga tesorero ay ang kalihim ng DoF.
Base sa umiiral na batas ng Local Government Code 1991, ang DoF lamang ang puwedeng sumibak sa mga tesorero at hindi ang mga alkalde o gobernador.
Pero kung magtatagumpay ang apat na mambabatas na ito, magiging sunod-sunuran na lamang ang mga tesorero sa kanila dahil kung hindi ay sibak kaagad sila sa puwesto.
At kung magtatagumpay nga ang Kongreso na maamiyendahan ang RA 7160, tiyak na puwede nang ilibing ng mga tesorero ang mga balota sa ilalim ng lupa upang hindi na mabilang pabor sa magiging boss na mayor at gobernador.

Aritmetik ni Bayani Fernando

ISA si Bayani Fernando sa mga SERYOSONG kandidato para pagkapangulo ng bansa sa 2010 elections.
Ang problema lang ni Mang Bayani, walang SUMESERYOSO sa kanya.
Awww!
***
SERYOSO si Bayani sa pagsabak sa presidential derby kahit hindi siya ang manukin ng kinaanibang Lakas-CMD party na nakipagsanib puwersa na sa Kampi.
Naniniwala si BF na sa simpleng aritmetik ay nasa kanya ang HULING HALAKHAK.
Sa isang debate kamakailan ng apat na presidentiables, muntik mahulog sa kinauupuan ang mga nakikinig.
Pinatunayan ni BF na siya ang magwawagi sa tatlong katunggali.
Habang ang tatlong kadebate ay nagsasapawan sa unahang puwesto para sa malaking 63 porsiyentong rating sa survey, kontento na si BF sa natitirang 37 porsiyento.
Sa mga survey, lagi na lamang kulelat si Bayani. Pero kampante lamang siya.
Sinabi ni BF, para magsitigil lamang ang tatlong katunggali sa pag-aagawan sa unahan ng rating ay pinayuhan niya ang mga ito na maghati-hati sa 63 puntos. Sixty three divided by three, equals twenty one.
Ngingisi-ngisi lang si BF dahil solo na niya ang 37 percent.
***
Ano ang ibig sabihin niyan? Nagpapakita na ng pagkatuso ngayon ang ilang presidentiables sa simula pa lamang ng karera para sa nalalapit na pangpanguluhang halalan.
Kanya-kanya ng banatan at salyahan para maungusan ang katunggali.
Kanya-kanyang diskarte ng black ops.
Kanya-kanya ring pakomisyon ng survey para mapalitaw ang sarili na hindi nawawala sa kontensiyon.
Lahat ay nagsasabing sila ang NUMBER ONE.
Nakalimutan ang isang kasabihan. Ang naglalakad ng matulin, kung matinik ay malalim.
At kung madapa, buti nga! Bwar, har, har!
***
Ang pinakamabigat lang na problema ni Bayani ay kung totoo ba ang ILUSYON niya?
Sabi ko nga, isa si Bayani sa SERYOSONG presidentiable.
Sa mga pumopormang kandidato sa ngayon, WALA tayong makitang kasing-SERYOSO ni BF.
Kaso nga, walang SUMESERYOSO sa kanya.
Kahit ang mga kasama niya mismo sa LAKAS. Iyon 'yun e!

No comments:

Post a Comment