Wednesday, July 1, 2009

Pahinga ka na po Mahal na Pangulo

Natski
(Hataw, Police Files Tonite)

GAYA ng ginagawang pagtutol ng mga militante, oposisyon at concerned Filipino sa Charter change, dapat din nilang tutulan ang pagsusulong sa mababang kapulungan ng Kongreso ng mga House Bill 6078, 2178 at 6023 na naglalayong maamyendahan ang Local Government Code of 1991 o RA 7160 upang ilipat ang kapangyarihan ng pagpili ng tesorero sa buong bansa mula sa Department of Finance (DoF) patungo sa mga alkalde at gobernador.
Isipin n'yo na lang mga suki kapag nangyari ito. Ang mga nasabing House Bill ay tila bahagi ng Chacha sa pamamagitan ng ConAss na gustong mangyari ni Mrs. Arroyo at ng mga kampon niya sa Kamara.
Kapag nagtagumpay ang ConAss at tuloy-tuloy na naisulong ang amiyenda sa RA 7160, yari na tayo bayan.
Bukod sa magkakaroon ng lubos na kontrol sa perang ibinubuwis ng taumbayan ang mga alkalde o gobernador, sakal-sakal pa nila sa leeg ang mga tesorero sa tuwing sasapit ang eleksiyon.
Ang tesorero ang itinatalaga ng Comelec bilang board of canvassers tuwing halalan.
Sila rin ang nagsisilbing tagapag-ingat ng lahat ng election paraphernalia gaya ng ballot boxes kung saan inihuhulog ang ating mga boto.
Kung ang lahat ng tesorero ay hawak na sa leeg ng mga mayor o governor, puwede silang maging sunod-sunuran kung nais babuyin ang resulta ng eleksiyon. Kung hindi naman susunod, sibak sila sa posisyon. Magtatalaga ang mga mayor at governor ng kaya nilang pahimurin sa kanilang puwit.
Hindi lang 'yan, kung kasabwat ng mayor o governor ang tesorero na itinalaga, yari ang buwis ni Juan dela Cruz. Ano mang sandali ay maaari nila itong waldasin.
Malapit na ang halalan kaya minamadali raw ng apat na kongresista ang HB 6078, 2178 at 6023---mga batas na posibleng maging armas lang ng mga tiwaling alkalde at gobernador para dayain ang kanilang makakatunggali.
***
Malinaw ang mensahe ng isang kaalyadong kongresista ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Dapat na talagang magpahinga sa politika si Gng. Arroyo pagkatapos ng termino niya sa Hunyo 2010.
Hindi inaasahang ganyan ang sasabihin sa media ni Quezon City Rep. Matias Defensor. Si Matias ay kaalyado at tatay ni dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor. Si Mike ay isa sa pinakatapat na tao ni GMA. Nagkasabit-sabit si Mike dahil sa mga pagsunod niya kay Gloria. Natalo pa nga siya sa pagtakbong senador kasi'y nakakabit sa kanya ang mabahong pangalan ng Pangulo.
Para kay Congressman Defensor, okey lang na magtagal pa sa politika si Gloria kung iyon ang gusto ng taumbayan. Kaso nga, sabi ni Cong. Matt, walang panawagan kay Arroyo mula sa publiko na ipagpatuloy niya ang pagsisilbi sa mamamayan. Hindi lang po dahil sa walang panawagan. Sukang-suka na po ang nakararaming mamamayan sa pananatili ni GMA sa Malakanyang.
Ayon pa kay Cong. Matt, tama na ang siyam na taon ni GMA sa Malakanyang. Nakapagsilbi na naman siya.
Bagama't isa ang matandang Defensor sa lumagda sa House Resolution 1109 na nagpapatawag sa mga kongresista para mag-convene ng Constitutional Assembly nang hindi kasali ang Senado, naniniwala siyang malabo itong maisagawa sapagkat tutol ang taumbayan.
Mabuti naman pala't alam ni Cong. Matt Defensor kung paano magalit ang taumbayan. Natuto na rin kaya si 'Tol Mike ng mga leksiyon sa pagsunod-sunod niya kay GMA?
Nanghihinayang tayo dito kay 'Tol. Magaling din namang politiko ang taong ito. Bata pa at matalino. May sariling kakayahan.
Pero kailangan din muna niyang magpahinga sa politika. Saka na lang bumalik kapag nakalimutan na ng taumbayan kung ano o sino siya sa pamahalaang Arroyo.
Iyon ay kung makakalimutan nga ng mamamayan ang pangalan ng kanyang Mahal na Pangulo.

1 comment: