Wednesday, July 1, 2009

Pitpitin ang mga itlog!

earch




INIULAT ng Department of Education na sinuspinde na raw nito ang paggagagawad ng 427 milyong pisong kontrata sa Jeverps Manufacturing Corporation para sa Food for School Program ng kagawaran.


Tungkol ito sa ipamimigay na noodles na may “sariwang itlog” daw sa mga mag-aaral.

Sa pagdinig ng Senado, kitang-kita kung paano tayo tinatarantado ng mga opisyal ng DepEd sa isyung ito.

Ang pinakamatindi, overpriced ang noodles. Mabibili lang sa grocery ang noodles sa halagang anim na piso. Sa Jeverps Manufacturing na nakakuha ng kontrata sa DepEd, magbabayad ang gobyerno mula sa kaban ng bayan ng halos triple ng normal na halaga.

Ang katwiran ng mga tarantado sa DepEd, may sariwang itlog daw kasi kaya gayon kamahal.

Kailan pa naging sariwa ang itlog kung naisama na sa noodles sa loob ng isang pakete? Kinangna!

Matapos ang imbestigasyon ng Senado sa pangunguna ni Sen. Mar Roxas, pinuno ng committee on education, wala namang naparusahan sa harap ng malinaw na katarantaduhang ito.

Tapos ngayon, sasabihin ng DepEd na sinuspinde na nila ang kontrata sa Jeverps Manufacturing.

Ano, gayon na lang ba ‘yun?

Wala bang maparurusahan sa pagtatangkang nakawan ang kaban ng bayan sa pamamagitan ng isang maanomalyang kontrata?

Kung hindi ito nabulgar at naimbestigahan, tuloy ang pagtakbo ng mga kawatan tangay-tangay ang pera ni Juan dela Cruz.

Dahil sinasabi ngayon ng utak ng krimen na isosoli na lang ang pera, hindi na magkakaroon ng kaso. Sanamabits!

Hindi pupuwede ang ganyan Sen. Mar Roxas. Alalahanin mong may pangako ka sa batang inagawan mo ng pedicab o padyak.

Sinabi mo sa batang pedicab at kapatid niya hindi mo sila pababayaan at sasamahan sa kanilang laban.

Ang mga batang mahihirap at mag-aaral ang suki ng murang noodles. Kung pati ang libre na sanang pagkain para sa kanila ay nanakawin pa ng mga mandarambong sa pamahalaan, ano na ang mangyayari.

Gawin mo Sen. Roxas sa gawa at hindi sa commercial ang pangako mo sa mga kabataan.

Huwag paligtasin ang mga kurakot sa DepEd. Hindi lang dapat pagulungin ang kanilang mga ulo, pitpitin pati ang maiitim nilang itlog! Kinangna!

Kumusta ang tatay mo Manny?

Masaya tayo sa napapanood sa TV kay Aling Dionesia, butihing ina ng ating Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. Donyang-donya na si Aling Dionesia. Esteytsayd na rin ang dating.

Dapat lang naman siya ngayong magpakasarap sa buhay matapos ang paghihirap niya kay Manny.

Kung hindi sa suporta niya sa anak bilang ina, wala ngayon si Manny sa kinaroroonan niya.

Mabuti si Manny dahil ibinibigay niya ang lahat sa ikaliligaya ng ina. Magarbong bahay, sasakyan, maraming pera, bodyguard at kung ano-ano pa. Pinag-shopping pa sa Amerika.

Kaya si Aling Dionesia, artista na rin ang dating.

E kumusta naman ang tatay ni Pacquiao? Ang alam nating lahat, magkagalit ang mga magulang ni Manny.

Minsan natin siyang napanood sa TV. Hindi siya kasing saya ni Aling Dioenisia. Hindi kasing yaman ngayon ni Aling Dionesia. Ni hindi pa nakapunta sa Amerika.

Alam na ng lahat na malayo ang loob ni Manny sa kanyang tatay. Gayundin si Aling Dionesia.

At alam na nating lahat ang ambisyon ni Pacquiao sa darating na 2010 elections sa Sarangani Province.

Paalala ko lang kay Manny, baka gamitin ng kanyang makakalaban sa politika ang isyu sa kanyang mga magulang. Ang isyu sa relasyon niya sa ama. Kung paano niya tinitimbang ang pagtrato sa ama at kay Aling Dionesia?

Baka hindi bumagay sa kanya ang posisyong ambassador for peace and understanding.

Now, you know Manny.

No comments:

Post a Comment