Wednesday, July 1, 2009

Congressman Manny Pacquiao. Now, you know!






WALA na talagang makapipigil kay Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa pagtakbong kongresista.

Ang gobyernong Arroyo na mismo ang naghahanda para sa pagpalaot muli ni Pacman sa politika.

Sa Sarangani Province kakandidato si Pacquiao dahil ni-knockout siya ng isang babae sa General Santos City.

Ipinoporma na ni Mrs. Arroyo si Pacquiao para sa halalang 2010 sa pamamagitan ng pagbibigay sa ring icon ng mga puwesto sa gobyerno.

Bukod sa pagiging special assistant on intelligence matters ng DOJ, itinalaga ni Mrs. Arroyo si Pacquiao na Ambassador for peace and understanding.

Wala tayong tutol na maging ambassador for peace si Pacman pero kalabisan naman yata na gawin siyang espiya ng DOJ.

Ang pagtakbong kongresista ay nasa desisyon pa rin niya. Maraming nagpapayo na huwag na niya itong gawin.

Ngunit sa ating sistema, basta marunong bumasa, sumulat, rehistradong botante at Filipino citizen ay kuwalipikado nang kumandidato sa anumang posisyon. Pasok si Manny.

Lalo na ngayon na sandamukal ang pera n’ya mula sa pakikipagbasagan ng mukha. Walang problema si Manny sa campaign fund.

Hindi na kailangang pondohan pa siya ni Gloria Arroyo. Pero kung gusto ni Manny, puwede siyang bigyan ng pera ng administrasyon.

Malaki ang utang na loob ni Mrs. Arroyo kay Manny. Sa tuwing may boksing siya, namamatay ang mga isyu laban kay GMA.

Pero sana, gaya ng sa tuwina’y aakyat sa ibabaw ng lona na walang ibang iniisip kundi kapakanan ng sambayanang Filipino, totoong isaisip at isapuso ni future Congressman Manny Pacquiao ang kanyang mga kababayan sa Sarangani, pati na ang mga taga-GenSan.

Huwag pulos pangako, tapos ay mapapako.

At tulad din ng bago sumabak sa boksing, dumadaan sa matinding training si Manny. Gayundin ang gawin ni Manny bago muling pumasok sa politika. Siguro nama’y naging leksiyon na sa kanya ang pagkakabagsak sa canvass kay Congresswoman Darlene Custodio.

Sobrang kampante na, kulang pa sa training. Hindi porke sikat ka, panalo ka na.

Mahusay pumili ng botante ang mga taga-GenSan. Track record ng serbisyo ng isang politiko ang kanilang pinili. Hindi track record sa pamimigay lang balatong isang daan, sardinas at bigas.

Kung maaari rin, magpalit na si Pacquiao ng mga coach. Kung ang itinuturo sa kanya ng mga beteranong coach na sina DENR Sec. Lito Atienza at Chavit Singson ang estilong susundin ni Pacquiao, baka may tulog na naman siya. Baka maruming laro lang ang kanyang matutunan.

Iba ang larong boksing sa politika Manny, you know?!

Ang idinarasal ko lang, huwag ka sana nitong sirain. Sayang ang mga naging pagsisikap mo upang maging alamat ng boksing sa buong mundo.

No comments:

Post a Comment