Wednesday, July 1, 2009

Napupunta lang sa kurakutan

Wala pa ring pagbabago sa mga pampubliko nating eskuwelahan. Kalunos-lunos pa rin ang itsura.
Kundi kapos sa klasrum, maraming walang silya, lamesa at higit sa lahat ay ang kakulangan ng mga libro at teksbuk para sa mga mag-aaral.
Minsan nating nakita ang nag-aambisyong maging pangulo ng bansa na si Mar Roxas na kasama ang mga opisyal ng DepEd sa pahayagan habang nagpipinta ng klasrum na bahagi ng programa ng kagawaran. Photo-ops lang ang nangyari.
Ito 'yung programa na paglilinis, pagsasaayos o pagkukumpuni sa mga bulok na silid-aralan.
Imbes bumili ng mga bagong silya at lamesa, kukumpunihin na lang ang mga puwede pang magamit.
Kung sa bagay, napakaganda nito kung pagtitipid sa badyet ang pakay.
Ngunit labis na nakakainis kung mababalitaan natin na ang mga opisyal ng pamahalaan at DepEd ay kaliwa't kanan kung mangurakot.
Sa nakaraang pagbubukas ng pasukan, walang nagbago sa mga public school. Lalo pa ngang lumala partikular sa mga nasalanta ng bagyo at giyera ng militar at rebelde.
Sa tuwing magpapasukan, nariyan ang ating DepEd sa paniniyak na sapat ang mga silid-aralan pagkat ito raw ang prioridad ng ating Mahal na Pangulo.
Lokohin n'yo ang lelong n'yong panot!
Nasaan ba ang pondo ng DepEd para sa mga ganireng suliranin?
Hayun, inuna pa ang pagnanakaw sa pera sa pamamagitan ng programang pagpapakain ng noodles na may sariwa raw itlog sa mga estudyante.
Nabuko lang ang mga bugok na itlog sa DepEd kaya kinansela ang programa.
Nahiya pa kunwari ang DepEd sa pangunguna ni Sec. Jesli Lapus.
Pero ang balita natin, may mga opisyal sa DepEd na kumita na agad kahit hindi naituloy ang proyekto.
Isang grupo sa DepEd ang nakakuha raw ng SOP (padulas) mula sa kompanyang "nanalo" sa bidding. Kaya ang may-ari ng kompanya, kakamot-kamot ngayon ng kanyang itlog at iniisip kung papaano mababawi ang ini-advance sa mga bugok sa DepEd.
Kinansela lang ang proyekto kaya ang ibig sabihin, pupuwedeng matuloy.
Dapat tayong magbantay pagkat anumang oras, maaari na namang sumalakay ang mga kawatan sa DepEd.
Kaawa-awa ang mga mag-aaral na nagtitiis sa bulok na klasrum at gula-gulanit na mga babasahin.
Mantakin n'yo sa tuwing may budget hearing at humihingi ng malaking pondo ang mga nasa DepEd, ang kinakasangkapan nila ay ang pangangangailangan daw ng kabataan ng maayos na edukasyon.
Tangna n'yo!

No comments:

Post a Comment