Wednesday, July 1, 2009

Kasalan, biyakan!

BONGGANG-BONGGA kamakalawa sa Manila Hotel ang pagsasanib-puwersa ng Lakas-CMD at Kampi party na binasbasan ni Pangulong Arroyo.
Pag-iisang dibdib o kasal ang isa pang tawag dito.
Hindi ba't bago ikinakasal ang magkasintahan, nagkakasundo sila at nagpapangakuan sa isa't isa na magsasama sa hirap at ginhawa, magmamahalan at hindi mag-aaway.
Ibig ipakita ni Pangulong Arroyo na siyang nagbasbas ng kasalan na hindi kayang tibagin ang bagong Lakas-Kampi CMD party. Ito na raw ang pinakamalakas na partido politikal sa bansa.
Ngunit sa gitna ng kasalan, may mga miyembro ng pamilya ng mga ikinasal na may pagtutol sa okasyon.
Ang tatay ng Kampi na si Camarines Sur Rep. Luis Villafuerte ay hindi dumalo. Gayundin ang lolo ng Lakas-CMD na si dating Pangulong Fidel Ramos ay hindi dumating.
Wala sila sa pinakamahalagang okasyon ng kanilang mga anak.
Bago pa man ang kasalanan, lumayas na si Villafuerte. Hindi na niya itinuturing ang sarili na kabilang sa pamilyang Kampi. Ayaw niyang mangyari ang kasal.
Marami pang malalaking tao sa magkabilang pamilya ang hindi dumalo sa kasal.
Pareho-pareho silang may ere.
Sapilitan ang pag-iisang dibdib. Hindi magkaisa ang kanilang isip at puso.
Kaya sa kanilang pulo't gata, hindi ang inaasahang masarap na "biyakan" ang mangyayari.
Rambulan 'yan, pataasan ng ihi, payabangan.
Naramdaman din iyan sa pagsasalita ni Pangulong Arroyo.
Nakiusap siya sa mga ikinasal na maging propesyonal at matured para humaba ang kanilang pagsasama.
Alam kasi ni Mrs. Arroyo, mayayabang at makasarili ang mga miyembro ng dalawang pamilya na pilit niyang pinagsama.
E kasi ba naman, alam din ng mga kasapi ng Lakas at Kampi na pakana lang ng Pangulo ang kasal. Ang interes lang ni Mrs. Arroyo ang hinahabol nito.
Gusto lang daw niya pakabahin ang oposisyon. E kaso, wala namang natakot sa Lakas-Kampi CMD merger. Pinagtatawanan pa nga e.
***
Minaliit ni dating Congressman Prospero Pichay ang hindi pagsipot ng maraming miyembro sa Lakas-Kampi CMD merger.
May mga limang gobernador lang daw ang hindi nakarating.
Sus ginoo, inismol ang pagtalikod ng limang gobernador.
E kung 'yung isang gobernador ay may sampung kabig na mayor? Maliit ba ito?
Marami ring kongresista na hindi dumating.
Ang tingin nila kasi sa merger, hindi sila ibig pag-isahin kundi para pag-awayin.
Paano nga naman na kung sa isang distrito ay may kumandidatong taga-Lakas at taga-Kampi?
Dahil sa prinsipyong pagsasanib puwersa, isa lang sa kanila ang puwedeng basbasang tumakbo laban sa kandidatong oposisyon.
E kung si Kampi o si Lakas ang incumbent? Natural, hindi 'yan papayag na magbigay daan kahit pa maghalo ang balat sa tinalupan.
Walang pumapasok sa politika para lang magpagago at magpauto. Siya pa siguro ang manggagago at mang-uuto.
Matagal na nating alam na sa politika, walang asa-asawa, walang kapa-kapatid at walang kai-kaibigan kung pansariling interes na ang pinag-uusapan.

No comments:

Post a Comment